Dala siguro ng sobrang init ng panahon kaya kung pumasok na naman sa isip ko ang kung anu-anong kalokohan. At dala rin siguro ng sobrang init kung bakit para akong ewan na humihiling sa langit ng ulan.
Wala lang naman. Masaya kasi ako kapag umuulan dito sa atin. Bukod kasi sa suspended classes, e may iba pang kasiyahan ang naidudulot ito sa akin. Ewan ko lang sa iba, pero gusto gusto ko ang mga ganitong panahong basa (bawal marumi ang isip!). Pasintabi po sa mga lumalangoy sa baha, hayaan nyo
Hindi po ako baliw o manyak o adik.
Pusta ko ay nagsimula ang kakaibang pagkahumaling na ito noong ako ay bata pa. Sa lugar kasi namin dati, wala pang gaanong mga bahay. Maluwag ang mga lote. At mantakin mo, mayroon pang bukid! Siempre, anu pa bang alam gawin ng mga uhuging batang tulad ko, kundi ang balahurain ang mga lupang ito?
Takbo rito, takbo roon. Yan ang buhay namin ng mga kalaro ko noon. Mataya-taya, agawan-base, taguan, Kapag nagkapikunan, minsan may suntukan. Ilang peklat na rin ang natatamo ko sa kaharutan ko non. Wala kaming pinipiling lugar at panahon. Kapag nagkayayaan, ariba lang. Ang mauna, gwapo! Ang burot, gago! Buti na lang mabilis akong tumakbo
Pasaway sa pasaway, pero minsan, maghapon ang laban. Kesehodang lumalawit na ang mani ng mga nanay namin sa kakasigaw - larga lang! Masaya kasing mangupal ng mga natatalo. Masarap din kasi ang pakiramdam kapag wala kang inaalala at takbo ka lang nang takbo.
Mas masaya lalo na kapag umuulan. Walang delay-delay, tuloy ang laban! Andyan kasi ang challenge kapag basa ang lupa. Mas swabe kapag maputik kahit mahirap tumakbo. Ilang ulit na rin akong sumubsob at kumain ng lupa sa pagligtas ng mga "nahuli" na kakampi ko. Agawan-base lang. Bawal ang palit-bote rule kung mabilis ang mga nahuli (ganun na kami ka-selective nun, bata pa lang, madupang!). Bilang isa sa mga alas ng tropa, ako ang pain ng mga ungas. Ako ang magpapahabol para ang iba kong kakampi ang ibang olats ay mailigtas. Distraction tactic. Yeba, sarap ng putik!
Kapag nag-kaayawan na, derecho pa rin sa pagtampisaw sa ulan. Sa punto namang ito kami ay nagsu-swimming. Derecho kami sa drum na saluhan ng tubig-ulan. Lubog, lusong! Feeling diver, walang paki kahit may taing-pusa sa alulod ng bubong. Yakker!
Kapag umariba na si ermats, takbo naman kami sa bukirin. Hala, ligo. Pag-uwi sa bahay, palo! Natural, sipon at ubo ang premyo ko. Pero keri lang; masaya, masarap, asteg maligo nang hubad. Masarap ang bawat patak sa musmos kong balat. Dapa, bangon. Ulan ang bahala. May banayad na kiliti ang dulot habang sa kirot ng sugat ay tumutulo ang luha.
Noong ako ay tumuntong ng hayskul, nag-iba na rin ang mga trip. Siempre, para cool. Subalit labs ko pa rin ang ulan; lalo kaming naging batak. Doon sa isang science highschool sa may Taft, doon ko mas pa siyang nakilala ang mga bawat patak.
Madalas akong umupo sa tabing-bintana. Kapag walang seating arrangement, pustahan ay nasa bintana ako. Kakaibang kakupalan marahil, pero maano? Masayang tumanaw sa labas habang klase; manood ng mga kapwa mag-aaral na dumaraan at mag-isip ng kung anu-ano habang dumadaldal ang guro sa harapan.
Sa ganitong paraan din kasi mas nasasagap ko ang unang ihip ng hanging habagat – at kaalinsabay nito ang malamig na halik ng unang ambon. Pikit-mata kong sinasamyo ang kakaibang bango ng hangin habang ang tumamatalsik ang laway ng guro ko.
Hindi naman puro kaligayahan ang dulot ng ulan sa akin. Muntikan na akong magka leptos pirosis (tama ba ang ispeling?). Makailang-ulit na rin akong lumusong sa baha. Kadiri kaya alipunga. Hindi na mabilang na ako ay na-stranded sa paghintay ng mga jeep dahil sa hirap sumakay. Maraming notebooks na walang laman ang nalugaw, pati libro, nagulay! Sangkatutak na baon ang nawaldas sa loob ng computer shop sa Pedro Gil; ilang Counterstrike hours ang lumipas sa paghihintay na ang ulan ay tumigil.
Nasabi ko na bang may jinx ako sa payong? Isang tanga at kalahati rin kasi ako pagdating sa lintek na ito. Tawsan tayms na yata akong nasiraan, nawalan o nanakawan. Samu't saring sakit na rin ang tumama sa akin. Sipon, upo, trangkaso, lagnat at anu pa man.
Umuulan rin nung unang masaktan ang mura kong damdamin. Pebrero
Hindi ko alam. I don't know. Ewan.
Hindi ko rin maipaliwanag ang aking pakikitungo sa ulan. Siguro nga baliw ako – masiyahan daw ba sa bawat pagbisita ng ulan. Siguro nga ay pulpol na romantiko simpatiko ang saysay. Sentimang ang drama habang nakadungaw sa bintana ng dyip, bus o bahay. Nananaginip habang pilit binibilang ang patak ng ulan na nag-uunahan sa pagbagsak.
Marahil nga ganon, marahil hindi. Dahil ang ulan ang aking misteryosong kaibigan. Ang kwento ng aking pagkabata ay kanyang nasaksihan. Habang bumabatingaw ang boses ni ermats, ako ay malayang tumatakbo at naliligo sa ulan na parang olats. Habang machine-gun ang bibig ni Ma'am sa harapan sa pagtuturo ay malayo ang aking tanaw sa labas ng bintana.
Lessons? Ang ulan ang nagturo sa aking mangarap, ang bumalikwas sa normal at lumihis sa mga nakararami. Habang ang mga kumag kong klasmeyt ay nakikinig at nagiging sunod-sunuran, ako ay nangangarap. Kinatawan ng ulan ang kalayaang nadarama ng isang musmos na
Malayo sa kanila. Malaya sa kanila.
No comments:
Post a Comment